2 miyembro ng ISAFP, utas sa ambush
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP) kabilang ang isang opisyal ang nasawi habang isa ang nasugatan matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng Maute terror group sa isang checkpoint sa Barangay Lilod Madaya, Marawi City, Lanao del Sur.
Kinilala ni Col. Benjamin Hao, Spokesman ng Philippine Army ang mga nasawing sina Major Jerico Mangalus at Corporal Bryan Libot.Habang isinugod naman sa pagamutan ang sugatang si Corporal Rolando Cartilla.
Si Mangalus ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Banyuhay Class 2002 na team leader ng kanilang grupo na nagsasagawa ng intelligence operations sa lugar nang mangyari ang insidente.
Batay sa ulat, bandang alas-5:30 ng hapon ay lulan ang mga biktima ng kulay abong Isuzu Crosswind (ZST-997) habang nagsasagawa ng intelligence operations laban sa Maute terror group na lulan rin ng isa pang behikulo.
Pagsapit sa lugar ay bigla na lamang pinagbabaril ang behikulo ng mga ito ng nasabing teroristang grupo na natunugan ang kanilang presensya.
Nagkaroon ng maikling putukan na ikinasawi ni Major Mangalus at isa nitong intelligence personnel habang isinugod naman sa pagamutan ang nasugatan nilang kasamahan.
Ang Maute terror group ay mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng kanilang pinagkukutaan sa kagubatan.
- Latest