Binisitang resort ng Miss U,sinalakay ng mga rebelde
MANILA, Philippines - Natangay ang sari-saring mga armas ng mga pinaghihinalaang New Peoples Army (NPA) rebels nang salakayin ang isang posh resort hotel sa Nasugbu, Batangas na kabilang sa mga binisita ng mga kandidata ng Miss Universe 2016.
Sa ulat ng Batangas Police, dakong alas-6:15 ng gabi nang salakayin ng nasa 25 NPA rebels ang Hamilo Coast-Pico de Loro sa Brgy. Papaya.
Ang mga rebelde na sumalakay ay lulan ng isang van at nakasuot ng camouflage uniform na nagpanggap pang mga sundalo.
Tinungo ng mga rebelde ang detachment ng Selective Security Agency isa sa mga pribadong security agency na nangangalaga sa seguridad ng nasabing posh resort kung saan dinisarmahan ang mga security guard dito at tinangay ang 26 piraso ng 12 gauge shotguns, pitong M16 rifles, isang 9 MM pistol at isang cal. 38 revolver.
Sinalakay din ng mga ito ang kanugnog na Hamili Coast Main Security Office matapos namang magpanggap na Inspectors ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at natangay ang dalawang M16 rifles, tatlong 12 gauge shotguns, tatlong 9 MM pistols, dalawang handheld radios, 10 piraso ng sari-saring cellular phone at isang laptop.
Narekober bandang alas-3:00 ng madaling araw sa isang follow-up operations ng mga otoridad ang tatlong behikulo na ginamit ng mga rebelde sa raid sa kahabaan ng Sitio Damulag, Brgy. Latag, Nasugbu.
- Latest