17 todas sa clan war
NORTH COTABATO, Philippines – Labingpito katao ang iniulat na nasawi sa pagpapatuloy na bakbakan nang magkaaway na angkan sa tatlong barangay sa bayan ng Banisilan, North Cotabato.
Nagsimula ang engkwentro noong December 23 at habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang labanan o ubusan ng lahi ng magkalabang angkan, ayon sa Banisilan PNP.
Ito ay sa pagitan nina Kumander Ali Rajamuda, Kumander Bobby Rajamuda at Kumander Kinig kontra sa grupo nina Kumander Tanda at Kumander Paron.
Sa huling report kahapon umabot na raw ang bakbakan hanggang Sitio Kabugan, Barangay Guiling, Alamada kung saan umanib na ang grupo ni Kumander Palaw at Kumander Tahir kina Kumander Tanda at Paron.
Ilan sa mga apektadong barangay sa Banisilan ay Sitio Kinamuran, Barangay Pantar; Sitio Mapantaw, Sitio Hillside, Sitio Kulawan and Sitio Kibanog of Barangay Malagap; Sitio Bang-bang, Barangay Tinimbacan at Sitio Balindong ng Barangay Poblacion 1.
Nabatid na 26 na pamilya ang lumikas mula sa Sitio Matampay, Poblacion 1 habang 142 na pamilya naman sa Barangay Malagap, Banisilan na may halos pitong daang indibidwal.
May impormasyon pito katao na ang patay mula sa grupo ni Kumander Rajamuda at Kumander Kinig habang sampu naman sa panig ni Kumander Tanda at Kumander Paron at marami ang sugatan.
Sa ngayon mahigpit na mobile checkpoint ang isinagawa ng Banisilan PNP sa mga apektadong barangay at ilang bahagi ng Banisilan para hindi na makakaapekto sa mga kalapit barangay.
Samantala, naniniwala naman ang PNP na posibleng rido ang dahilan ng engkwentro na may kaugnayan naman sa nangyaring ambush noong December 9 sa pamilya ni Chairman Panantaon Mantitayan ng Barangay Busaon, Banisilan.
- Latest