Pamilya ni Kerwin, legal counsels itutumba
MANILA, Philippines – Namemeligro na rin ngayon ang buhay ng pamilya at maging mga legal counsels ng number 1 drug lord ng Eastern Visayas na si Rolan Kerwin Espinosa dahilan pinaplano na rin umanong ipatumba ang mga ito ng mga personalidad na sangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa, binigyan na niya ng direktiba si Police Regional Office (PRO) 8 Director P/Chief Supt. Elmer Beltejar na i-secure ang pamilya ni Kerwin. Inaasahan na ayon sa opisyal na bukod kay Kerwin ay malagay din sa peligro ang buhay ng pamilya nito.
Sa panayam naman sa mga legal counsels ni Kerwin na sina Atty. John Ungab at Atty Lani Villarino, kakambal na ng kanilang trabaho ang malagay sa peligro ang kanilang buhay kaya todo ang kanilang pag-iingat.
“We know the risk it’s always there but we are prepared, that’s why we have made a request to the PNP to provide us with security detail,” pahayag ni Ungab na nangangamba rin sa banta sa kanilang buhay.
Ayon naman kay Villarino sa pagtanggap pa lang sa paghawak sa kaso ni Kerwin ay batid na nilang nalagay na sa bingit ng panganib ang kanilang buhay at handa sila sa anumang mangyayari.
Sa kasalukuyan ay bantay sarado naman sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Kerwin matapos itong dumating sa bansa nitong Biyernes ng madaling araw mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) kung saan ito naaresto.
Magugunita na ang abugado ng ama ni Kerwin na si Mayor Rolando Espinosa Sr. na si Atty. Rogelio Bato at ang kasama nitong 18 anyos na estudyante ay nasawi sa ambush sa Brgy. Lumbang, Tacloban City noong Agosto 23 ng taong ito.
- Latest