Traffic enforcer lasog sa truck
MANILA, Philippines - Patay ang isang traffic enforcer makaraang mabundol at pumailalim pa sa isang trak habang ang una ay lulan ng kanyang motorsiklo, kamakalawa ng hapon.
Namatay noon din sa pinangyarihang lugar si Raymart Discaya, 25, miyembro ng Valenzuela Traffic Enforcement Unit, at naninirahan sa Francisco St., Brgy. Paso de Blas, ng naturang lungsod.
Agad din namang nadakip at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng truck na si Charly Turtoga, 28, at naninirahan sa Gen. San Miguel St., Sangandaan, Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang Gen. Luis Street sa Brgy. Paso de Blas dakong alas-4:30 ng hapon nang mabundol ng Isuzu Rebuilt Truck (AGA 7608) na minamaneho ni Turtoga.
Pumailalim ang biktima at ang kanyang motorsiklo sa trak ngunit sa halip na huminto ay nagpatuloy sa pag-andar ang sasakyan dahilan para magulungan ang biktima sanhi ng kanyang agad na kamatayan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela City Police na dahilan ng pagkakadakip ni Turtoga.
- Latest