Tindahan ng paputok sumabog: 2 todas, 24 sugatan
MANILA, Philippines – Halos hindi na makilala ang isang babae at isang lalaki nang ito ay masunog matapos sumabog ang mga paputok sa tindahan na ikinasugat ng mahigit 24 iba na naganap kahapon ng umaga sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Biñang 1st, Bocaue, Bulacan.
Sa ulat ni Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., Director ng Bulacan Provincial Police Office (PPO), bandang alas-10:45 ng umaga nang mangyari ang pagsabog sa establisyemento ng paputok ni Gina Gonzales na matatagpuan sa nasabing lugar.
Ang nasawi na isang babae ay halos hindi makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng katawan nito at isang lalaki habang isinugod naman sa iba’t-ibang pagamutan sa lalawigan ang 24 nasugatang biktima.
Kasunod nang pagsabog ay lumikha ito ng sunog na ikinapinsala ng sampu pang commercial establishment at anim na behikulo sa lugar.
Nagmistula umanong war zone ang lugar dahil sa sunud-sunod na pagsabog ang narinig at idineklarang kontrolado ang sitwasyon bandang ala-1:00 ng hapon.
Sa tala, ang Bulacan ay siyang itinuturing na ‘firecracking capital’ sa bansa kung saan ang sumabog na establisyemento at mga katabi nito sa komersyal na distrito ay maagang nagbebenta ng mga paputok kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest