Sa panahon ni Leila... P50-M droga umiikot sa Bilibid
MANILA, Philippines - Ibinunyag sa apat na pahinang sworn affidavit ng nakakulong sa National Bilibid Prison na si Herbert Colangco na nasa P50-milyong halaga ng droga ang umiikot umano sa National Bilibid Prison (NBP) kada buwan.
Ayon kay Colangco, ang negosyo niya sa NBP ay magpautang ng pera sa mga big time na inmates at magpasok ng beer tuwing may events, kung saan ay umaabot sa dalawa hanggang tatlong milyon kada araw ang umiikot niyang pera sa loob.
Anya, malaya siyang nakakapagpasok ng beer sa NBP dahil P1-milyon kada events umano ang kanyang ibinibigay na “proteksiyon money” kay dating DOJ Sec. Leila De Lima na kinukuha ng isang Joenel Sanchez na kasama sa security ng kalihim ang at “boyfriend” nito na si Ronnie Dayan.
Sa carcel group lamang anya ay P3-milyong “payola” na ang kanilang ibinibigay kay De Lima kada buwan para maipagpatuloy ang kanilang negosyo sa Bilibid.
Noong Dec. 15, 2014, para makontrol umano ni De Lima ang buong negosyo sa loob ng NBP ay 19 silang inilipat sa NBI na halos lahat ay galing sa carcel side group at ang grupo ni Jaybee Sebastian na presidio side ang naiwan, maliban lamang kina Peter Co at Tony Co na kilalang drug lords ay inilipat din.
Sa paglilipat sa NBI, si Sebastian umano ang nakapag-centralize sa lahat ng negosyo sa loob ng NBP at ang hindi susunod sa kanyang gusto ay tinatakot na ipapatapon dahil “malakas” umano siya kay De Lima at mula noon aniya ay nakabili na ng maraming “ari-arian” si Sebastian at si Ronnie Dayan.
Ibinunyag din ni Colangco sa kanyang affidavit na halagang P1.2-milyon ang kanila namang ibinibigay na “payola” kay dating NBP Director Franklin Bucayu at ‘bagman’ nito na isang Colonel Ely.
- Latest