Full alert itinaas ng NCRPO sa Metro Manila
MANILA, Philippines – Isinailalim na rin kahapon sa full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila kasunod ng malagim na pambobomba sa Davao City na ikinasawi ng 14 katao habang 71 pa ang nasugatan kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni NCRPO Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde, inatasan na niya ang limang District Directors sa Meto Manila na palakasin pa ang seguridad upang mapigilan ang banta ng terorismo.
Nabatid na pinaigting na ang police visibility sa mga matataong lugar sa Metro Manila kabilang ang mga shopping area sa Divisoria, bisinidad ng mga malls, simbahan at iba pang mga commercial districts.
Bantay sarado rin ang mga terminal ng bus, daungan at paliparan na naghigpit ng seguridad gayundin sa MRT, LRT stations na dinaragsa ng daang libong mga commuters.
Samantalang alinsunod sa direktiba ni Albayalde ay naglatag na rin ng mga checkpoints sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila kabilang dito ang mga pangunahing instalasyon ng gobyerno.
“All district directors are ordered to account all personnel in view of the full alert status”, ayon sa direktibang ipinalabas ng NCRPO Chief .
Samantalang nagtaas na rin ng alerto ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at maging ang Philippine Coast Guard ay nasa heightened alert status na rin.
- Latest