‘Endo’ mababawasan na - Malacañang
MANILA, Philippines – “Mababawasan na sa loob ng 6 na buwan ang ‘endo’ o contractualization”.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa media briefing sa Palasyo at mismong si Labor Sec. Silvestre Bello III ang nangako kay Pangulong Duterte sa ginanap na ikalawang cabinet meeting sa Malacañang kamakalawa na mababawasan na ang sinasabing ‘end of contract’ (Endo) .
“DOLE has committed to reduce ENDO, contractualization, within six months, a considerable amount. And also, DTI, DTI has also committed to reduce the number of days to register a business to three days or ideally one day,” wika pa ni Abella sa Malacañang reporters.
Samantala, pinapa-amyendahan ni Davao Rep. Karlo Alexei Nograles ang mga probisyon sa labor code na nagpapahintulot sa mga negosyante na baliin ang batas sa security of tenure.
Ang hakbang ni Nograles ay kasunod na rin ng deklarasyon ni Pangulong Duterte na nais nitong tapusin ang umiiral na contractualization o endo.
Sa House Bill 1351 o ang “employment relation law” ni Nograles, layon nito na alisin ang napakaraming employment engagement tulad ng probationary, fixed term, casual, seasonal, temporary at extra.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng empleyado ay gagawing regular maliban sa mga nasa ilalim ng probationary employment o nasa industry-specific work arrangement na tutukuyin ng labor secretary sa pamamagitan ng tripartite consultation.
Nakasaad din dito na hindi maaaring tanggalin sa trabaho ang isang empleyado nang walang dahilan at due process; habang ang probationary employment ay hindi dapat lumampas sa 6 na buwan.
- Latest