4 Salvage victim natagpuan
MANILA, Philippines – Apat na bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ng Maynila at Makati kamakalawa ng gabi at kahapon.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, unang nadiskubre dakong alas-9:25 ng gabi kamakalawa (Hulyo 8) ang bangkay na nasa ilalim ng Mc. Arthur Bridge sa Sta. Cruz, Maynila na nababalutan ng packaging tape ang mukha at nakagapos ang mga kamay sa likod.
Samantalang sumunod namang natagpuan dakong alas -7:30 ng umaga kahapon ang isa pang bangkay sa Bonifacio Drive, Port Area at sa gilid ng Metropolitan Theater sa Lawton, Ermita. Ang bangkay na nakasilid sa balikbayan box ay kapwa nababalutan ng packaging tape sa mukha, nakagapos at may mga sugat sa katawan.
Ikatlo ay ang kahon na nadiskubre sa labas ng Metropolitan Theater, bandang alas-5:00 ng umaga, na nakabalot din ng packaging tape ang mukha. Ang natagpuang mga bangkay ay pawang may karatula na nakasulat na “Pusher/holdaper ako, huwag tularan “.
Samantala, isa namang bangkay ng lalaki na hinihinalang sangkot sa droga ang natagpuan sa ilalim ng isang flyover sa lungsod ng Makati dakong alas-5 ng umaga kahapon. Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa biktima na nakasuot ng kulay itim na blazer at underwear, tinatayang nasa pagitan ng 20-30 anyos, may tattoo sa katawan na “Bahala na Gang “ at kanang kamay na Richard Zamora. Iniimbestigahan na ang naturang mga kaso.
- Latest