Mga tamad na labor attaché sisipain sa puwesto
MANILA, Philippines - Tapos na umano ang maliligayang araw ng mga tamad at walang silbi na labor attaché sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito ang siniguro ni incoming Labor Sec. Silvestre Bello III na tapos na ang maliligayang araw dahil sa unang araw ng kanyang pag-upo sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay iuutos agad niya ang performance audit ng mga labor attaché sa abroad.
“We have to conduct a performance audit of our labor attachés around the world. Marami tayong labor attachés na imbes na asikasuhin ang kapakanan ng ating migrant workers, ang inaasikaso ay ang sarili nilang kapakanan at the expense of our OFWs,” wika ni Sec. Bello.
Aniya, ang mga hindi nakapagsilbing labor attaché sa mga problemang kinakaharap ng mga OFW’s sa ibang bansa ay kailangan nang alisin.
“Alam naman nating maraming nagiging biktima ng exploitation, harassment, ng mga recruitment agencies-kukunin ka, ito ang kontrata, ito ang gagawin mo, ito ang sweldo mo pero pagdating mo, iba na. Nakaltasan na ang sweldo mo, masama ang trato ng amo mo sa iyo at hindi ka inaalagaan ng ating mga labor attaches diyan,” dagdag pa ni Bello.
Nakatakdang bumuo si Bello ng task force na dudurog sa mga illegal recruiters na nambibiktima ng mga Filipino na nais lamang magtrabaho sa abroad kasabay ang panawagan sa taumbayan na tulungan ang DOLE sa kampanya nito laban sa illegal recruiters.
Hihilingin din niya sa Kongreso na magpasa ng batas na lalong magbibigay ng proteksyon laban sa illegal recruitment at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga illegal recruiters.
- Latest