Duterte boykot muna sa prescon, interbyu
MANILA, Philippines – Upang hindi umano magkaroon ng misinterpretasyon sa kaniyang mga pahayag ay hindi muna magpapa-prescon at magpapa-interbyu si incoming President Rodrigo “Digong” Duterte.
Ito’y matapos na ulanin ng sunud-sunod na pagbatikos si Duterte mula sa media bunga ng maanghang nitong mga komento at maging sa pagsipol sa isang magandang reporter ng isang television network.
Ayon kay Executive Assistant Christopher “ Bong “Go, ang mga opisyal na announcement ni Duterte ay ipapalabas na lamang sa PTV 4, ang official government channel ng pamahalaan.
“ Wala munang presscon, para walang mali “, pahayag ni Go.
Una nang umani ng mga pagbatikos si Duterte matapos nitong ihayag na kaya umano napapatay ang ilang mamamahayag ay dahilan sa pagkakasangkot sa korapsyon.
Pangalawa naman ay ang ginawa nitong pagsipol sa isang magandang reporter na tumanggi nitong sagutin ang itinatanong sa press conference sa Davao City.
Sa kasalukuyan, wala namang katiyakan kung hanggang kailan didistansya si Duterte sa mediamen bagaman nangako ito na kapag opisyal ng nanumpa ay magiging disente na umano ang mga pahayag at iiwasan na ang pagmumura.
- Latest