Lover ni misis, tinodas ni mister
MANILA, Philippines – Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang isang obrero matapos barilin ng isang lalaki na pinaniniwalaang mister ng umano’y kanyang kabit sa Tondo, Maynila.
Ang nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo ay kinilalang si Nelson Antonio, 43 ng no. 322 I. Tuazon St. Tondo, Maynila.
Pinaghahanap naman ang suspek na sinasabing mister ng umano’y kalaguyo ni Antonio na inilarawang nasa pagitan ng edad 30-35, may taas 5’4”, kayumanggi, malaki ang katawan at may tattoo na tribal sa magkabilang braso.
Tumanggi namang ibunyag ng pulisya ang pangalan ng babaeng sinasabing karelasyon ng biktima.
Batay sa ulat, ilang araw bago maganap ang krimen ay nakakatanggap ng death threat ang biktima sa kanyang cellphone at hinala na galing sa mister ng kanyang kabit matapos makarating dito na sila ay may relasyon ng misis nito.
Bago nabaril ang biktima ay nagpaalam ito sa kanyang asawa na pupunta lamang sa kanyang kaibigan para pag-usapan ang kanilang gagawing trabaho, subalit pagsapit sa kanto ng Tuazon at Wagas Sts. ay sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima sa ulo.
- Latest