Binay supporters lumalawak mula sa Muslim, Cebu at Ifugao
MANILA, Philippines – Patuloy ang paglawak sa buong bansa ang sumusuporta sa kandidatura ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon sa isang koalisyon ng mahigit 40 grupong Muslim sa buong bansa iniendorso nila si Binay dahil siya lang anila ang makakapagsakaturaparan sa pangarap ng mga mamamayan ng Muslim Mindanao.
“Sa mga kandidatong presidente, si Binay lang ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Hindi siya nakitaan ng pagkamuhi sa mga Muslim,” paliwanag ni One Bangsamoro Movement (1BANGSA) convenor Maulana Balangi kamakailan.
Dahil namatay na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa ilalim ng administrasyong Aquino, maaaring isagawa muli ang pag-uusap kay Binay para matupad ang pangarap na Bangsamoro.
Ilang lider ng sektor ng Muslim ang nanawagan sa mga botante na piliing mabuti ang mga kandidato sa halalang pampanguluhan sa Mayo 2016.
Noong Lunes, Pebrero 1, si dating Government Service Insurance System Governor Winston Garcia na kumakandidatong gobernador ng Cebu ay nagpahayag na siya at ang Once Cebu party ay nagpasyang suportahan ang kandidatura ni Binay sa halalang pampanguluhan dahil anya ito ay may higit na karanasan para pamunuan ang Pilipinas sa susunod na anim na taon.
Kinumpirma rin ng United Nationalist Alliance na nagdeklara rin ng suporta kay Binay si Ifugao Governor Dennis B. Habawel na isang miyembro ng Nacionalista Party.
Sinabi ni UNA Secretary General Atty. JV Bautista, pormal na ipinangako ni Habawel ang pangunguna ni Binay sa “Solid North” na merong limang milyong botante.
Idiniin ni Habawel na si Binay lang ang pinakakuwalipikado para matugunan ang iba’t ibang usapin kabilang ang problema sa kagutuman, kahirapan, edukasyon at kalusugan para sa ordinaryong mga mamamayan.
- Latest