5 patay, 12 sugatan sa motorsiklo
MANILA, Philippines – Lima katao ang patay kabilang ang isang mag-ina habang 12 ang nasugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa lalawigan ng Zambales, Olongapo City at Cavite.
Sa Candelaria, Zambales ay namatay ang dalawang lalaki na kinilalang sina Julius Rey Edrosolo, 23, drayber ng motorsiklo, ng Barangay Pamibian, at angkas nitong si Jiosabelle Morados,17, ng Bgy. Sto. Rosario, Masinloc, kamakalawa ng hapon.
Matuling binabagtas nina Edrosolo at Morados ang kahabaan ng national highway at pagsapit sa pababang kurbada sa Bgy. Yamot, Candelaria, ay nawalan ng kontrol nagawi sa kabilang linya bunsod upang sumalpok sa kasalubong na cargo truck (YJM-865) minamaneho ni Bernardo Mayonte, 44, ng Brgy. Lipay, Sta. Cruz, Zambales.
Namatay din ang motorcycle rider na si Arturo Simon, 44 ng Floridablanca, Pampanga makaraang aksidenteng bumangga sa kasalubong nitong pampasaherong jeep sa kahabaan ng Brgy. Kalaklan, Olongapo City kamakalawa ng gabi na ikinasugat ng 10 pasahero ng jeep at angkas ni Simon na si Joseph Toledo dakong alas-7:00 ng gabi.
Nasawi naman ang mag-inang sina Devie Carurucan, 34; at anak na si Shane, 6 ng Brgy. Bancal, Carmona, Cavite. Habang malubhang nasugatan ang mister nitong si Elmer, 35.
Nasa kostudya ng pulisya ang driver ng SUV na si Jeffrey Pamintuan, 30, may-asawa residente ng Blk. 31, Lot 6. Phase 6, Icasañas St. Bahayang Pagasa, Brgy. Molino, Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon, alas-3:10 ng hapon sakay ang mag-anak sa motorsiklo na minamaneho ni Elmer at binabagtas ang nasabing lugar nang sumalpok sa isang SUV (ZSZ-197), na minamaneho ni Pamintuan.-Randy V. Datu, Joy Cantos, Cristina Timbang-
- Latest