NGO prexy, itinumba
MANILA, Philippines – Idineklarang dead on arrival ang isang 46-anyos na lalaki na lider ng isang non-government organization (NGO) para sa mga Christian at Muslim matapos na ito ay barilin habang naglalakad mula sa Islamic Mosque, sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kahapon ng hapon.
Ang nasawi ay kinilalang si Guro Nasra Onsok, founder at president ng Bangsamoro Overseas Filipino Workers Organization (BOFWO), residente ng Block 14, Baseco Compound.
Agad na nadakip ang suspek na si Mark Cantutay, 32, glass installer, residente ng Block 32, Phase 2, Navotas City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril sa biktima dakong alas-12:30 ng hapon sa Block 14, Baseco, Port Area, Maynila ay naglalakad ang biktima na kagagaling pa lamang sa panalangin mula sa kanilang mosque.
Nilapitan ito ng suspek na kanina pa nag-aabang at walang kaabog-abog na ito ay binaril sa ulo.
Nasaksihan ng mga residente ang krimen kaya’t hinabol nila ang suspek at nang maabutan ay pinagtulungan itong gulpihin at arestuhin bago dinala sa pulisya.
- Latest