Turista dedo sa ‘shadow boxing’
MANILA, Philippines – Patay ang 39-anyos na Swiss national matapos itong mag-ehersisyo ng shadow boxing sa loob ng fitness center ng hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Richard Prader na nanuluyan sa Room 2936, 29th floor ng New World Manila Bay Hotel sa panulukan ng M. H. Del Pilar Street at Pedro Gil Street sa nasabing lugar.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:15 ng hapon nang mag-shadow boxing sa loob ng Club Oasis Fitness Center ang biktima nang bigla itong tumumba.
Kaagad na sinaklolohan ng gym personnel ang biktima at binigyan din ng paunang lunas ni Dr. Orlando Filoteo at kinabitan ng oxygen para i-revive subalit hindi nagkamalay kaya isinugod sa Manila Doctor’s Hospital.
Dakong alas-6:11 ng gabi nang ideklarang patay sa nasabing pagamutan ang biktima.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Swiss Embassy para sa kaukulang aksiyon.
- Latest