Ex-INC minister inaresto
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang dating ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na bago nabitbit sa presinto ay nanlaban umano na naganap kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga ay hinarang ng mga tauhan ng MPD-station 10 na nakasuot sibilyan upang isilbi ang warrant of arrest sa kasong libel para kay Lowell Menorca II sa President Quirino Avenue, kanto ng Roxas Boulevard, Malate, Maynila.
Nabatid na papunta si Lowell at misis na si Seiko Menorca sa Court of Appeals (CA) para sa cross examination sa kaniya kaugnay sa writ of amparo at habeas corpus case laban sa mga lider ng INC.
Sa pagbaba umano ng sasakyan para lumipat ay tiyempong lapit umano ng dalawang pulis na nagsabing inaaresto siya sa kasong libelo na nakahain sa sala ni Kapatagan, Lanao del Norte Regional Trial Court Branch 21, Judge Alberto Quinto.
Nauwi sa komosyon ang insidente nang tumangging sumama si Menorca sa mga pulis at nag-react din ang misis nito dahil duda umano sila kung tunay na pulis ang dalawa na walang suot na uniporme at hindi umano nagpapakita ng identification card o badge wala rin umano silang alam na demanda sa kanila para arestuhin at sa pulis na hindi umano kaanib ng INC sila magtitiwalang sumama.
Dumagsa ang mga mamamahayag na lalong hindi naman nagpaaresto si Menorca hanggang sa nakausap ang isang radio anchor na tumawag kay MPD director Chief Supt. Rolando Nana dahil sa hiniling na rito lamang sasama ang una.
Dahil sa insidente, hindi nakadalo si Menorca sa pagdinig sa CA na iskedyul ng alas-10:00 ng umaga kaya nang makiusap ang misis sa CA ay ini-reset ng ala-1:00 ng hapon kahapon ang cross examination na hindi rin muli nakadalo si Menorca.
Sa halip na dalhin ng MPD sa CA si Menorca ay dumating ang legal chief ng MPD na nagpaliwanag sa korte na wala silang hawak na court order para dalhin si Menorca sa CA.
- Latest