P150K na tax-exempt sa Balikbayan boxes
MANILA, Philippines - Pumasa na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong itaas sa P150,000 ang halaga ng kasalukuyang P10,000 na tax exemption ng mga Balikbayan boxes.
Ayon kay Senator Sonny Angara, may akda ng Senate Bill 2968 o Customs Modernization and Tarriff Act (CMTA), at chairman ng Senate Committee on Ways and Means na layunin ng panukala ay gawing moderno ang Bureau of Customs at amiyendahan ang Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP) bilang pagtupad sa Revised Kyoto Convention (RKC).
Anya, panahon na upang i-overhaul at gawing moderno ang BOC na isa sa mga sinasabing pinaka-corrupt na ahensiya sa gobyerno.
Nasa $277 bilyong halaga ng buwis ang nawala sa gobyerno sa pagitan ng 1960 at 2011 dahil sa technical smuggling.
Kapag ganap na naging batas ang panukala, hindi lamang tataas sa P150,000 halaga ng mga padala ng mga Filipino ang malilibre sa buwis mula sa kasalukuyang P10,000 kung hindi magiging libre rin sa buwis ang mga donasyon at relief goods kung may kalamidad.
- Latest