Fallen SAF 44 bibigyan ng parangal sa unang anibersaryo
MANILA, Philippines – Sa unang anibersaryo ng pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force sa darating na Enero 25 ay bibigyan ito ng parangal ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y sa gitna na rin ng patuloy na pagsigaw ng katarungan ng naulilang pamilya ng SAF 44 at ng matagal na pagkakabitin sa nasabing parangal na minsan ng naudlot sa seremonya ng Police Service Day noong nakalipas na taon.
Sinabi ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez, napapanahon at tamang-tama ang pagpaparangal sa mga bayaning SAF 44 lalo pa nga at unang taon ng anibersaryo ng pagbubuwis ng mga ito ng buhay sa Oplan Exodus.
Ang Oplan Exodus na umano’y plinano ng noo’y suspendidong sina dating PNP Chief ret. Gen. Alan Purisima at dating Special Action Force ret. Police Director Getulio Napeñas ay ang misyong kunin buhay man o patay si Jemiah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan at ang kanang kamay nitong si Abdul Basit Usman.
Sa nasabing operasyon ay ‘mission accomplished’ ang SAF troopers matapos na mapatay si Marwan, pero naging kapalit naman ito ng buhay ng 44 mga bayaning commandos habang nakatakas si Usman pero sumunod ding napatay matapos ang ilang buwan.
Hinggil naman sa pagtanggap ng Medal of Valor o ang pinakamataas na parangal sa mga bayaning pulis ay sinabi ni Marquez na hinihintay pa nilang aprubahan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang kanilang rekomendasyon.
- Latest