Plastic, styrofoam ipagbabawal sa CFEZ
MANILA, Philippines – Nagpalabas ng memorandum circular ang Clark Development Corp. (CDC) na nagtatakda sa paggamit ng plastic, styrofoam at iba pang produktong non-biodegradable sa lahat ng establisimiento at tanggapan sa loob ng Clark Freeport Economic Zone sa Pampanga.
Sa ipinalabas na ulat ng CDC, maaari lamang gamitin ang plastic bag bilang pangunahing packaging material para sa wet goods.
Samantala, maaaring gumamit ng mga biodegrable na plastic at styrofoam bilang insulator basta may sertipikasyon mula sa manufacturer ng produkto at isusumite ang sample nito sa CDC Environmental Permits Department para aprubahan bago gamitin.
Kailangan ding itapon nang maayos ang mga ito matapos gamitin.
Bukod sa pagbabawas sa paggamit ng plastik, layunin din ng nasabing inisyatibo na hikayatin ang paggamit ng mga eco-bag bilang alternatibo sa plastic bag.
Gayundin ang paggamit ng biodegradable styrofoam at re-usable na lalagyan ng pagkain bilang alternatibo naman sa styrofoam.
Nagtakda ng multa ang CDC para sa mga hindi susunod sa nasabing circular.
Nakatakdang ipatupad ng CDC ang total plastic at styrofoam ban sa Abril 21, 2016.
- Latest