Tore ng NGCP, pinasabog
MANILA, Philippines – Muli na namang pinasabugan ang transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa bayan ng Aleosan North Cotabato kamakalawa.
Sa impormasyong nakalap kay P/Chief Insp. Jun Napat, hepe ng Aleosan PNP, pinasabog ang dalawa sa apat na tore ng NGCP sa Purok 4, Barangay Pagandan sa nasabing lugar kung saan gumamit ng dalawang improvised explosive device (IED) na gawa sa bala ng 60mm mortar nong Sabado ng hatinggabi.
Isa pang IED na nakalagay sa isa pang tore ang di-sumabog makaraang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya kahapon.
Nagdulot naman ng ilang oras na kawalan ng suplay ng kuryente ang nasabing bayan.
Inaalam pa kung anong grupo ang nasa likod ng panibagong kaso ng pagpapasabog ng NGCP tower sa Mindanao.
Matatandaan na noong 2015 ay sunud-sunod na pinasabog ang mga steel tower ng NGCP sa North Cotabato, Lanao Del Sur, Maguindanao at sa Lanao Del Norte.
Samantala, personal ring tinungo ng bagong talagang PNP Region12 Director Noel Armilla ang lugar kahapon ng umaga at pinulong ang dalawang alkalde sa mga bayan ng Aleosan at Pikit.
- Latest