2 Tsino tiklo sa P150-M shabu
MANILA, Philippines – Dalawa pang Tsino na sinasabing big time drug trafficker ang nasakote ng mga awtoridad sa panibagong buy-bust operation sa Barangay Doña Imelda, Quezon City kahapon.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Geng Qing Chuan, 35; at Xiangfan Yao, 28; mga residente sa Ongpin, Binondo, Maynila.
Sa ulat ni NCRPO Chief P/Director Joel Pagdilao, ng magsagawa ng buy-bust operation ang NCRPO Regional Anti-Illegal Drugs-Special Operation Group sa parking lot ng Contemporary Hotel sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard malapit sa Araneta Avenue.
Nasamsam sa mga suspek ang 30 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P150 milyon at ang abuhing Toyota Innova (TWQ 280) na gamit sa modus operandi.
Nabatid na nagpanggap na poseur-buyer ang isa sa mga tauhan ng NCRPO-RAID-SOTG na bumili ng inisyal na 3 kilo ng shabu habang 27 kilo pa ang nakuha sa loob ng sasakyan ng mga suspek.
Pinaniniwalaang konektado ang mga suspek sa dalawa ring Tsinoy na nakumpiskahan ng 37 kilo ng shabu sa operasyon sa Valenzuela City kamakalawa.
- Latest