LTFRB sinubpoena ang isa pang abusadong taxi driver
MANILA, Philippines – Isa na namang abusadong taxi driver ang sinubpoena kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos i-post sa Facebook ng isang Hannah Quiwa ang nangyari sa kanya sa loob ng taxi nito.
Batay sa reklamo ni Quiwa siya ay sumakay sa Premium Taxi na may plakang AAO-7317 kasama ang kanyang 15-anyos na kapatid at 10 anyos na pamangkin mula sa kanilang bahay papuntang Robinsons Mandaluyong.
Bago sumakay sa naturang taxi, sinabihan anya siya ng driver ng taxi na magdagdag ng P50.00 sa pasahe dahil sa traffic.
Pumayag naman si Quiwa na magdagdag ng P50.00 at habang nasa daan at may kausap siya sa telepono ay biglang sinabihan siya ng driver na mag-grab taxi na lang.
Pumayag si Quiwa, basta ihatid sila sa nasabing mall at pagdating doon ay sinundo siya ng tatay niya hanggang sa pagbaba ng taxi.
Tinanong ng ama kung bakit may dagdag na P50.00 ang pasahe na agad sinigawan at pagmumurahin ng taxi driver ang ama hanggang sa magkasagutan.
Nang malaman ng LTFRB ang insidente, agad ipinatawag ng ahensiya ang may ari ng naturang taxi at driver nito para sumalang sa public hearing sa January 20 alas-9:00 ng umaga upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan kaugnay ng naganap na insidente.
Magugunita na una nang parusahan ng LTFRB ang taxi driver na si Roger Catipay nang tanggalan ito ng lisensiya matapos na murahin at saktan ang isang babaing pasahero na naganap din sa Mandaluyong kamakailan lang.
- Latest