Poe binanatan ni Napeñas sa Mamasapano
MANILA, Philippines – Binanatan ni dating Special Action Force (SAF) chief Director Getulio Napeñas si Senator Grace Poe dahil sa umano ay pinigilan siya nito na magbigay pa ng mga detalye tungkol sa kanilang operation para arestuhin ang international terrorist at bomb maker na si Basit Usman.
“There were times na nagsasalita ako, kina-cut ako kung mapupunta sa isang conclusion, sa isang impormasyon na sinasabi ko especially nung pinaka-huling mga araw,” pahayag ni Napeñas.
“Yung katotohanan, may hindi parehas nung mga huling araw yung ginawa ni Senator Poe na imbestigasyon para sa amin,” dagdag pa ni Napeñas, na ginisa sa Senado noong 2015.
Si Napeñas, na tumatakbo bilang senador sa United Nationalist Alliance (UNA) ay payag na muling buksan ang pag-iimbestiga ng Senado sa Mamasapano incident na ikinamatay ng mahigit 60 katao. Kabilang sa nasawi ang 44 miyembro ng SAF na nakalaban ang mga Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at private armed groups.
“I welcome it. Maganda ‘yan para lumabas kung ano pa ang facts na hindi pa lumalabas,” dagdag ni Napeñas.
Nagretiro na si Napeñas sa Philippine National Police at inaasahan nito na marami pa siyang ilalabas na impormasyon kapag isinalang siya sa pagsisiyasat ng komite na magsisimula sa Enero 25, na eksaktong isang taon nang mangyari ang madugong insidente.
- Latest