Life hatol sa 2 pulis na snatcher
MANILA, Philippines – Hinatulang makulong ng 40 taon ang dalawang dating pulis Maynila kaugnay sa pang-aagaw ng gintong bracelet ng isang lalaki na nabaril nila at namatay makalipas ang isang linggo sa pagamutan, sa Ermita, Maynila, may talong taon na ang nakalipas.
Ang mga akusado na napatunayang guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 20 ay sina PO1 Reggie Dominguez na dating nakatalaga sa Manila Police District-Station 9 at PO1 Jamal Lacsaman na hinatulan ng reclusion perpetua na may katapat na parusang 20 hanggang 40 taon.
Inatasan din ng korte ang dalawa na bayaran ng danyos ang pamilya ng biktimang si Jose Anda na umaabot sa mahigit na P189,000 na may karagdagang 6 na porsyentong interes mula sa araw ng promulgation hanggang sa makumpleto ang kabayaran.
Batay sa record ng korte, sina Dominguez at Lacsaman na kapwa nakasuot ng sibilyan na sakay ng isang motorsiklo ay nagsabwatan sa pagtangay ng bracelet ni Anda na nagkakahalaga ng P25,000, sa tapat ng isang pawnshop sa Pedro Gil, Ermita, Maynila noong Enero 25, 2013.
Pumalag si Anda kaya pinutukan sa kanang hita na naging sanhi ng kaniyang kamatayan makaraan ang isang linggong gamutan.
Naging testigo ang biyuda ni Anda na si Hairo Joy na tumestigo sa insidente.
Ibinasura ng hukuman ang depensa ni Dominguez na wala siya sa pangyayari dahil nasa selebrasyon siya ng kaarawan ng anak.
Nagpabigat pa ang akusasyon ang pagiging most wanted cop ni Dominguez dahil nasangkot pa ito sa serye ng holdapan na mga turista ang biktima sa Ermita at nadakip noong Hulyo 2014 kaugnay sa holdapan at tinanggal sa serbisyo dahil sa mga kasong robbery at usurpation of authority.
- Latest