6 BIFF patay sa engkwentro
MANILA, Philippines – Nasawi ang anim na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos sagupain ng mga ito ang tropa ng mga sundalo nang atakehin ang tatlong detachment ng militar sa Maguindanao sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Captain Jo-Ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID), magkakasunod ang isinagawang pag-atake ng BIFF umpisa bago ang pagsalubong sa Bagong Taon nitong Disyembre 31, 2015 hanggang madaling araw ng Enero 1, 2016.
Sinamantala ng BIFF rebels na abala ang mga tao sa pagpapaputok nang isagawa ang sorpresang pag-atake, subalit nakahanda ang tropa ng militar na mabilis na gumanti laban sa umaatakeng bandido na ikinasawi ng anim.
Kabilang naman sa inatake ng BIFF ay ang military detachment sa Datu Piang, Maguindanao na gumamit ng M204 grenade launcher na tumama sa may 50 metro sa Kaungan detachment ng Mechanized Infantry Company ng Philippine Army.
Bago ang pagpalit ng taon, dakong alas-9:30 ng gabi ay tinatayang mahigit 30 BIFF ang nang-harass sa Timbangan detachment ng Army’s 34th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao.
Sumunod namang inatake ng mga bandido ang Lintangan detachment ng Army’s 40th Infantry Battalion sa Brgy. Lintangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Magugunita na noong bisperas ng Pasko ay nauna nang naglunsad ng serye ng pag-atake ang BIFF laban sa komunidad ng mga sibilyan sa Maguindanao, Sultan Kudarat at North Cotabato na ikinasawi ng 8 sibilyan na karamihan ay magsasaka at dalawang sundalo.
- Latest