384 naputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon
MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Health (DOH) na umabot sa 384 katao ang naputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon na mas mababa ng 53 percent kumpara noong nakaraang taon. Sa pinakahuling datos ng DoH sa 384 ang firecrackers incident bagama’t nagpapatuloy pa ang pagtanggap nila ng datos lalo na ang mula sa mga probinsiya.
Sinabi ni DOH spokesman Lyndon Lee Suy, ang naitalang kaso ng mga biktima ng paputok sa pagsalubong sa 2016 ay mas mababa rin ng 506 na kaso o 57 percent sa average ng nakalipas na limang taon.
Sa 384 cases na naitala, 380 sa mga ito ay pawang biktima ng paputok habang apat naman ang tinamaan ng stray bullet o ligaw na bala. Pinakamarami pa rin sa mga biktima ng paputok ay sanhi ng piccolo na umaabot sa 219 na mga kaso kahit na ipinagbabawal ang pagbebenta nito.
Nasa 9 percent naman ang biktima ng kwitis, 4 percent sa five-star at 4 percent din sa lusis na karamihan sa mga biktima ay mula sa National Capital Region (NCR) na umaabot sa 243 cases o 63 percent.
Nanguna dito ang Maynila na umaabot sa 73 o 30 percent, pumapangalawa ang Quezon City na may 8 percent at sinundan ng lungsod ng Marikina, 7 percent na sinundan ng Region 5 na umaabot sa 8 percent at Region 4-A na may 7 percent na karamihan sa mga biktima ng paputok ay 14-anyos pababa.
- Latest