Walang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Mindanao
MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng madilim na Bagong Taon ang ilang bahagi ng Mindanao dulot ng kakapusan sa suplay ng enerhiya dahil sa sunud-sunod na mga pag-atake ng mga rebelde sa mga transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ito ay makaraan ang dalawang panibagong pagsalakay at pagpapasabog ng mga armadong grupo sa dalawang tore ng NGCP sa Lanao del Sur at North Cotabato noong bisperas ng Pasko.
Gayon pa man, umapela ang NGCP sa lahat ng lokal na opisyal ng pamahalaan at maging mga residente na malapit sa mga transmission towers na magbantay laban sa mga pagsalakay upang maiwasan ang mas malawak na kawalan ng kuryente sa rehiyon.
Naganap ang magkasunod na pagsalakay sa tower No. 25 sa Brgy. Gandamatu, bayan ng Ramain, Lanao del Sur at sa tower #95 sa Barangay Aroman, bayan ng Carmen, North Cotabato.
Sa datos ng NGCP, ang dalawang tore ang ika-14 at 15 nang pinasabog ng armadong grupo ngayong 2015.
“The toppling of Tower 25 led to the isolation of government owned generating facilities, namely the Agus 1 & 2 Hydro Electric Plants. As a result, 58MW was lost from the grid, aggravating the existing power shortage in Mindanao,” ayon sa NGCP.
Patuloy naman ang ginagawang restoration efforts ng NGCP sa mga pinabagsak na tore.
- Latest