2 patay sa hostage drama
MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi kabilang ang hostage taker habang apat na bata ang nasugatan nang sumabog ang hawak na granada ng una nang i-hostage nito ang kanyang live in partner dahil sa selos naganap sa aplaya ng Brgy. Patalon, Zamboanga City kahapon ng umaga.
Ang nasawing hostage taker ay kinilalang si Danilo Ocampo at boat operator na si Boyoy Mohammad.
Natamaan naman ng shrapnel ang magkakapatid na sina Romelyn,12; Joemarie, 10 ; James, 9; at Roger Ramos, 7, pawang isinugod na sa Labuan Public Hospital.
Nakaligtas naman ang live in ni Ocampo na si Maritess Mañalac matapos itong makatakbo habang nagwawala ang nasabing mister na tinatangkang pigilan ni Mohammad.
Lumabalas sa imbestigasyon, bago nangyari ang pagsabog ng granada bandang alas-10:49 ng umaga ay kadadaong lamang ng bangka ni Mohammad lulan si Ocampo nang i-hostage nito si Mañalac na nasa tabing dagat.
Nabatid na nag-away sina Ocampo at Mañalac bunga ng matinding selos ng una kaya’t hinostage nito si Mañalac mula sa Sibuco, Zamboanga del Norte na isinakay sa kinontratang bangka ni Mohammad patungong Zamboanga City.
Ang ginang ay naglayas umano sa kanilang bahay at sinundan ng suspek sa pamilya nito sa lugar.
Habang nasa tabing dagat matapos na dumaong sa Brgy. Pantalon, Zamboanga City ay nagawang makatakbo ni Mañalac.
Sa gitna ng pagwawala ni Ocampo ay bigla nitong tinanggalan ng pin ang dalang granada na sumabog at nadamay si Mohammad na tinangkang pigilan ang pagwawala nito.
Sa lakas ng pagsabog ay natamaan ang magkakapatid na Ramos.
- Latest