Parak na holdaper dinakip sa kampo
MANILA, Philippines – Inaresto ng mga pulis ang isa nilang kabaro habang ito ay naka-duty matapos ituro na isa sa tatlong holdaper na nangholdap sa isang bank teller sa Malolos City, Bulacan.
Ang suspek na dinakip dakong alas-6:00 ng gabi sa loob mismo ng tanggapan ng Bulacan Provincial Public Safety Company sa Camp Gen. Alejo Santos sa lungsod kung saan ito nakatalaga ay kinilalang si PO3 Nolasco Juan.
Ang pag-aresto kay PO3 Juan ay bunsod na pinaigting na hot pursuit operation base sa testimonya ng dalawang security guards at bank teller na positibong kumilala sa una sa pamamagitan ng CCTV footage na iprinisinta sa San. Ildefonso Municipal Police Station (MPS).
Nabatid na noong Disyembre 14, 2015 dakong alas-11:57 ng umaga ay ineskortan ni Ramon Dimalanta, security guard ng isang supermarket ang biktimang si Joan Gallido, bank teller nang bigla na lamang agawin ang bitbit na bag na naglalaman ng hindi pa madeterminang cash ng isang lalaki.
Nagkaroon ng komosyo at sumaklolo si Dimalanta sa biktima, pero dalawa pang suspek ang sumulpot at pinagsusuntok ito ng ilang beses at mabilis na tumakas sa exit door at sumakay sa dalawang motorsiklo.
Nakunan ng CCTV ang pangyayari at dito ay namukhaan si PO3 Juan ng mga testigo.
- Latest