Cyber sabungan ni-raid ng NBI
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sabungan sa Tarlac na naaktuhan ang pasabong na may iligal na pustahan ng mga sabungeo sa pamamagitan ng Internet on-line betting.
Kasabay nito, binalaan na rin ng NBI ang mga may-ari ng sabungan na kakasuhan kaugnay sa iligal na tayaan sa mga sabong website o live streaming ng pasabong.
Naaresto sa nasabing pagsalakay sa loob ng New Tarlac Coliseum (NTC) sa Barangay Binaguanan, Tarlac City, Tarlac ang mga tauhan ng sinasabing illegal na sabong-betting websites na www.sabongtambayan.com at www.sabongworld.net
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Richard Paradeza, naaktuhan ang pag-video ng mga sultada at pagpapalabas nito sa Internet ng live upang mapagsugalan ng mga online players.
Kabilang sa nasamsam ay ang mga equipment na gamit pang broadcast on-line ng mga nasabing website tulad ang laptops, desktop computers, Internet modems, LTE broadbands, audio mixers, video switchers at mga camera na gamit sa pag-broadcast on-line.
Pansamantalang pinakawalan ang mga nasakoteng operators at crew pero makakasuhan pa rin sa regular filing ng NBI at maaring maharap sa kasong illegal gambling at cyber crime.
Binalaan din ang mga may-ari at operators ng mga sabungan na siguruhin na ang mga nais mag-cover sa kanilang on-line sabong ay may legal na lisensiya o permiso.
- Latest