9 katao natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang siyam katao kabilang ang dalawang paslit nang matusta sa sunog matapos lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay na naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Ashley Bulalacao, 2; Juralyn Bulalacao, 25; Maria Victoria Dela Cruz; Omar Gomez, 27; Paul Gomez, 54; Glaiza Gomez, 22; Louie Gomez, 7; Mary Ann Dela Cruz, 40; at Elevira Dela cruz, 13.
Nasugatan naman sina Lino Iglopas, 56; FO3 Florian Almonte; Danny Dalimpines, 66; Mark Micheal Villaraiz, 31; Francis Borleo, 20; Dante Dalumpines, 30; at Leonal Garcia, 64 na kapwa nagtamo ng 2nd degree burn at 1st degree burn.
Batay sa imbestigasyon ng BFP, dakong alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa 12th St., Barangay Damayan Lagi.
Lumalabas sa ulat na nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag na bahay na pag-aari ng isang Elsa Jama na matatagpuan sa no. 20 12 St., ng nasabing barangay.
Nabatid mula sa kisame ng kuwarto ng ikalawang palapag ay bigla na lamang may sumiklab hanggang sa tuluyan nang umapoy at kumalat sa buong kabahayan.
Posibleng anya sa jumper na kuryente nagmula ang apoy dahil maaaring nag-short circuit at nag-overload kaya nag-apoy.
Dahil gawa lamang sa kahoy ang bahay ay mabilis na kumalat ito hanggang sa tuluyang madamay ang mga kadikit na kabahayan.
Tatlong oras ang nakalipas bago ideklarang fire out ang sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Unang idineklarang nawawala ang mga nasawi, matapos na hanapin sila ng mga kamag-anak at nang magsagawa ng clearing operation dakong alas-6:00 ng umaga ay isa-isang natagpuan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima na magkakapatong.
Posibleng mahimbing ang tulog ng mga biktima at hindi namalayan hanggang sa ma-suffocate sa usok at hindi na nagawang makalabas ng bahay.
Umaabot sa 50 bahay ang nasunog at ang halaga ng ari-ariang naabo ay tinatayang aabot sa P250,000.00.
- Latest