2 pusher timbog sa P9-M shabu
MANILA, Philippines – Dalawang bigtime drug pusher ang nadakip ng mga otoridad sa isang buy bust operation at nasamsam ang nasa P9 milyong halaga ng shabu kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Paul Co, 44, negosyante, ng Brgy. Bahay Toro, Quezon City at Arvin Caray, 38, ng Brgy. Tejeros, Makati City.
Batay sa ulat, dakong alas-5:45 ng umaga nang ikasa ang buy bust operation sa V. Luna Avenue at Mapagbigay St., Brgy.Pinyahan.
Nabatid na dalawang linggong minanmanan ang mga suspek dahil sa impormasyon kaugnay sa pagiging drug pusher, subalit masyadong madulas ang mga ito nang matunugan na may mga otoridad sa paligid.
Kahapon ng umaga muling nakipagtransaksyon ang mga otoridad sa mga suspek para bumili ng 1 kilong ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon at napapayag ang mga suspek na magkita sa isang bahagi ng Trinoma Mall.
Pagsapit sa lugar ay walang naganap na bentahan sa halip ay tinignan lamang ng mga suspek ang dalang pera saka nagpasya na lumipat sa ibang lugar partikular sa V. Luna Avenue at Mapagbigay St., Brgy. Pinyahan kung saan nangyari ang bentahan at pag-aresto sa kanila.
Nasamsam sa mga suspek ang naturang shabu at isang sasakyang Suzuki Swift (JTS-88) na ginamit nila sa operasyon, tatlong piraso ng cellular phones, at ang P10,000 na tig-P1,000 bills na ginawang “boodle money” para mabuo ang halagang P1milyon sa pagbili ng isang kilong shabu.
- Latest