4 bagets nilamon ng ilog
MANILA, Philippines – Nasawi ang apat na tinedyer matapos malunod sa ilog nang tangayin ng malakas na agos habang masayang naglalanguyan sa Bakas River, Norzagaray, Bulacan kamakalawa.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Lovely Lacaba; Nelson Gobin; pawang 18-anyos; Butch Harold 16, at Christian Palen, pawang 15.
Batay sa ulat, ni Supt Joel Estares, hepe ng Norzagaray Police, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon sa Bakas River, Brgy.Matictic ng bayang ito.
Ayon sa opisyal, unang narekober ang bangkay nina Lacaba at Gobin, sumunod ay sina Harold, at Palen.
Base sa imbestigasyon, nagkatuwaang maligo sa ilog ang magkakabarkada nang biglang tangayin ang mga ito ng malakas na agos ng tubig na dumaloy umano galing sa Angat Dam.
Ang mga biktima ay pawang residente ng San Jose del Monte City na dumayo lamang sa lugar para maligo.
Tatlo sa kasama ng mga nasawi ay nakaligtas sa insidente bagaman halos na-trauma ang mga ito sa masaklap na sinapit ng apat nilang mga kabarkada.
- Latest