5 tipsters ng AFP instant milyonaryo
MANILA, Philippines – Lima sa 9 tipster ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang instant millionaire matapos ipamahagi na kahapon ang kabuuang P22.5M reward sa mga ito nagsilbing susi sa pagkakaaresto sa mga matataas na lider ng New People’s Army (NPA) rebels at maging ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Pormal na iginawad ni AFP Vice Chief of Staff Major Gen. Romeo Tanalgo ang pabuyang cash sa mga masusuwerteng informer ng militar na naging instrumento sa pagkakabitag sa dalawang matataas na lider ng CPP-NPA Abu Sayyaf Group at apat pa ng mga itong kasamahang mga lokal na terorista.
Umaabot sa P22.5M ang ipinamahaging reward mula P350,000 hanggang sa P5.8M na tinanggap ng mga informer na nagtakip ng mukha para hindi makilala.
Kabilang sa mga instant millionaire na tipster ay ang nagturo para maaresto ang nang lider ng NPA na si Eduardo Esteban alyas Ka Esteban, wanted sa kasong murder sa Abra.
Si Esteban, may patong sa ulong P5.8M ay nasakote noong Agosto 14, 2014 sa Iloilo City.
Ang isa pang informer ay tumanggap naman ng P4.8M sa pagkakahuli sa Tagum City noong Oktubre 16 ng taong ito sa isa pang lider ng NPA rebels na si Dominiciano Muya, gumagamit ng mga alyas na Ka Atoy at Marco.
Si Ka Marco ang responsable sa pamamaslang kina PO1 Marito Correos at PO1 Rey Mangoya Ejercito sa Bayugan, Agusan del Sur gayundin sa limang CAFGU sa Brgy. Zamboanguita, Malaybalay City.
Hindi naman pahuhuli ang tipster ng mga Commander ng Abu Sayyaf terror group na si Khair Mundos na nasakote noong Hunyo 11, 2014 sa Parañaque City na may patong sa ulong P 5.3M. Si Mundos nahaharap sa kasong murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder sa Cotabato. Si Mundos ang tumatayong Finance at Logistics Officer ng Abu Sayyaf.
Tumanggap naman ng P 3.3 M ang isa pang tipster na nagbigay ng impormasyon sa pagkakalipol kay Abu Sayyaf Commander Long Malat Sulayman na napatay sa engkuwentro sa Basilan noong Abril 1, 2012 matapos na manlaban sa arresting team na tinangka nitong takasan.
Ang isa pang tipster ay tumanggap naman ng P1.1M reward sa pagkakapaslang sa isa pang Abu Sayyaf na kasamahan ni Sulayman na si Jaojin Salam sa law enforcement operation sa Zamboanga del Norte noong 2014.
- Latest