Korean trader nagselos sa text, nagbigti
MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Korean national ang nagbigti matapos itong magselos nang mabasa ang text message sa cell phone sa kinakasama nitong Pinay kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kinilala sa pamamagitan ng pasaporte nito ang biktimang si Kim Cheolgyu, 42, pansamantalang naninirahan sa #1201 Tower C, Antel Seaview, Tower Condominium, Roxas Boulevard ng naturang lungsod.
Sa report, kinompronta ng biktima ang live-in partner na si Analyn Petaca, 29, tubong Barangay Bugtong Silag, Mangatarem, Pangasinan matapos mabasa ang isang text message mula sa kaibigang Koreano na si Bob Chin.
Labis na nagselos ang biktima kung kaya’t nagpasya muna itong makipaghiwalay at alas-5:00 ng umaga, noong Nobyembre 20 nang lisanin ni Petaca ang condominium at umuwi sa kanila sa Pangasinan.
Nang nasa Pangasinan na si Petaca, tinawagan nito sa cell phone ang biktima, subalit hindi na nito makontak ang dayuhan.
Kaya’t kahapon alas-5:00 ng umaga ay nagpasyang bumalik ang babae sa tinutuluyan nilang condominium sa Pasay at dito ay natuklasan na nagbigti ang biktima.
- Latest