Regional insurance pool dapat isulong ng Pinas sa climate change summit
MANILA, Philippines - Hinikayat ni disaster preparedness advocate Atty. Francis Tolentino ang pamahalaan ng Pilipinas na maging aktibo sa isasagawang United Nations (UN) climate summit na gaganapin sa France sa katapusan ng buwan.
Ito ang panukala ni Tolentino, dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, matapos namang mapag-usapan ang mga aksyon ng iba’t ibang bansa ukol sa climate change sa katatapos lang na APEC Economic Leaders Meeting sa bansa.
“Dahil sa dami ng bagyo at iba pang kalamidad na tumatama sa atin bawat taon, pagkakataon ng Pilipinas ang climate summit para maisulong ang agenda na bumuo ng ‘regional insurance pool’, ani Tolentino.
Umaasa si Tolentino na makapagbabalangkas ng panukala ang Pilipinas para sa regional insurance pool sa pangangasiwa sa mga kalamidad at matatalakay sa summit na dadaluhan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ipinaliwanag nito na ang pool funds na maaring pagkunan ang agarang pondo ng isang bansang apektado ng kalamidad ay malaking tulong sa pagresponde sa mga biktima at pagbangon ng ekonomiya. Sinabi nito na sa tuwing may mga kalamidad, ang mga mahihirap ang pangunahing apektado.
Batay sa ulat ng World Bank, aabot sa 100 milyon katao ang posibleng maghirap dahil sa climate change at nasa kalahating bilyon ang mawawalan ng tahanan sa susunod na 15 taon na ang pinakamapanganib ay ang South Asia.
Ang UN climate summit na isasagawa sa Nov 30 hanggang December 11 ay dadaluhan ni Pangulong Noynoy Aquino upang isulong ang global agreement upang bawasan ang epekto ng climate change.Nagpahayag na rin ng commitment ang bansa upang ibaba ang greenhouse gas emissions ng 70 percent hanggang 2030.
- Latest