Mga kalsada bukas na... daloy ng trapiko balik sa normal
MANILA, Philippines – Matapos buksan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga isinarang kalsada dahil sa apat na araw na pagpupulong ng mga lider sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa ay balik na sa normal ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Kamakalawa at kahapon ay nagbalikan na sa kani-kanilang bansa ang nasa 7,000 mga delegado partikular ang 21 head of states ng iba’t ibang bansa na dumalo sa apat na araw na pagpupulong sa APEC.
Ayon sa Officer-In-Charge (OIC) ng MMDA na si Emerson Carlos, alas-4:00 ng hapon binuksan sa mga motorista ang mga isinarang daan kabilang ang kahabaan ng Roxas Boulevard at EDSA.
Anya, naging matagumpay ang pinatupad na security measure ng pamahalaan sa APEC sa kabila na umaani ng maraming batikos mula sa publiko dahil sa naranasang pinakamabigat na daloy ng trapiko.
Bagama’t may mga kilos protesta ito naman ay napaghandaan ng kapulisan na hindi nakakaapekto sa isinagawang pagpupulong.
Inamin ni Carlos na mas mahirap ang ginawang nilang paghahanda sa APEC meeting kumpara noong dumalaw sa bansa si Pope Francis noong Enero dahil iisa lang ang babantayan at nakalatag na ang mga lugar na pupuntahan nito ngunit sa kaso ng APEC ay nasa 7,000 delagado kabilang
ang 21 heads of state ang kailangang bigyan ng seguridad.
Magugunita na nitong Lunes at Martes nagsimulang magpatupad ng stop-and-go sa mga kalsadang apektado ng APEC at Miyerkules naman nang magpatupad ng lockdown protocol.
- Latest