Shootout: Lima todas
MANILA, Philippines – Napatay sa shootout ang limang nagpakilalang miyembro ng civil security group ng Bais City nang makasagupa ang mga pulis sa compound ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Office sa Mabinay, Negros Oriental nitong Miyerkules ng hapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Cedric Regino, Angel Torres, Grasing Embalsado, Renato Torres at Feliciano Candido, na umano ay lider ng grupo.
Nasugatan naman sina PO1s Reyden Cadiz, Jemrey Montesa at Rodelo Jaluag; pawang kasapi ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) 7 na nakabase sa Bais City, sibilyang si Rolando Candido na dinala sa Bais City Hospital.
Arestado naman ang tatlo pang kasamahan ng mga nasawi na sina Richard Royo, Junjun Gutib at Ricky Sohot.
Batay sa ulat ng Negros Oriental Police, dakong alas-2:25 ng hapon nang mangyari ang shootout sa pagitan ng RPSB personnel sa pamumuno ni Inspector Lowelyn Reyes, Officer-in-Charge ng 3rd Company ng nasabing elite forces matapos na magresponde sa tawag ni Gng. Dionesia Trongcoso, DENR Station Manager ng Mabinay hinggil sa presensya umano ng mga armadong kalalakihan sa kanilang compound.
Nabatid na sumugod ang mga armadong suspek sa compound ng DENR upang umano’y kunin ang chainsaw na kinumpiska ng mga forest guard ng nasabing tanggapan dahilan sa illegal logging sa Mabinay Reforestration Project.
Sa pagresponde ng mga operatiba ng pulisya ay sinisita ng mga ito ang grupo matapos na mapansin na armado ng mga baril na nakasukbit sa kanilang mga baywang.
Sa halip ay nagbunot ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis na nauwi sa shootout.
Bago ang insidente ay nakatanggap ng mga pagbabanta ang DENR Office sa Mabinay mula sa hindi pa natukoy na grupo na nagbantang reresbak sa mga forest guard ng nasabing tanggapan.
- Latest