Suspek pa sa Maguindanao massacre, nadakip
MANILA, Philippines - Isa pang suspek sa Maguindanao massacre na kumitil ng buhay ng 58 katao kabilang ang 32 mediamen ang naaresto kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasakoteng suspek na kabilang sa 196 na wanted sa nasabing kaso na si Dinga Mentol alyas Tho Cario Opong, may warrant of arrest at P250,000 reward na patong sa ulo.
Sinabi ni Supt. Romeo Galgo, Spokesman ng SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato City, Sarangani at General Santos City ) Regional Police Office ang suspek ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng Sarangani Provincial Police Office Company, Regional Intelligence Unit 12 at Glan Municipal Police Station bandang alas-4:25 ng madaling araw sa pinagtataguan nito sa Brgy. Batoliling sa bayan ng Glan.
Ang mga pangunahing suspek sa Maguindanao massacre ay ang dating maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa pamumuno ni dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., na namatay kaugnay ng kumplikasyon sa karamdaman nito at mga anak na sina dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan at dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na patuloy pang nakakulong.
- Latest