DQ case vs Poe ibinasura ng SET
MANILA, Philippines - Nanalo si Senador Grace Poe sa botong 5-4 matapos ibasura ng mga miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang petisyon para sa disqualification case na isinampa ng natalong senatorial candidate na si Rizalito David.
Nagbotohan kahapon ang SET sa Manila Polo Club kung saan ay 5 sa mga ito ang bumoto na dapat ibasura ang disqualification case laban kay Poe na kumukuwestyon sa pagiging natural born Filipino citizen nito bilang isang foundling at 4 na member naman ng SET ang pabor para sa disqualification ng mambabatas.
Wika pa ni Sen. Vicente Sotto, bukod sa kanya ay 4 pa ang bumoto na dapat ibasura ang disqualification case laban kay Poe ay sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Villar, Sen. Legarda at Sen. Bam Aquino.
Ang 9-man member ng SET ay sina Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, bilang chairman ng SET; Justice Teresita Leonardo-de Castro, Justice Arturo Brion, Sens. Cayetano, Villar, Binay, Aquino, Legarda at Sotto III.
Idinagdag pa ni Sotto, ang mga bumoto naman na pabor sa disqualification ni Poe ay sina Justice Carpio, Justice de Castro, Justice Brion at Sen. Nancy Binay.
Magugunita na kinuwestyon ng natalong 2013 senatorial candidate na si David sa SET ang pagiging natural born Filipino citizen ni Poe dahil sa pagiging ampon nito at posibleng hindi daw ito natural-born dahil sa ilalim ng Konstitusyon ay dapat isang natural born Filipino citizen ang mga kandidato sa pagiging presidente, bise-presidente, senador at kongresista habang ang mga tumatakbo naman sa local positions ay puwedeng naturalized citizens.
- Latest