5-katao nilamon ng apoy
MANILA, Philippines – Lima-katao ang nilamon ng apoy habang 50 pamilya naman ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang 30 kabahayan kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Halos natusta ang mag-inang Michael Nacionalis, 28; at Kiel Nacionalis, 3, habang kinilala ang mag-asawa sa pangalang Aljon at Gemalyn habang ang anak ng mga ito na si Jen-Jen, 3.
Nagtamo naman ng sunog sa kaliwang braso si Mary Grace na misis ni Michael.
Nagsasagawa pa ng clearing operation ang Bureau of Fire Protection sa iba pang nawawala.
Ayon sa Bureau of Fire Protection ng Caloocan City, bandang alas-12:32 ng madaling araw nang magsimulang masunog ang bahay ni Virginia Norbete sa kahabaan ng Don Benito Street sa Barangay 21.
Agad namang rumisponde ang mga bumbero subalit nahirapang makapasok dahil sa kasikipan ng mga kalsada.
Sinasabing nagmula ang sunog sa napabayaang kandila na naiwan sa bahay ng pamilya Norbete kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Dahil gawa lamang sa light materials ang 30 kabahayan ay mabilis na tinupok ng apoy kung saan aabot naman sa P3-milyong halaga ng ari-arian ang naabo.
Naapula naman ang apoy bandang alas-5 ng umaga kung saan umabot sa ikalawang alarma ang sunog.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga namatay dahil marami pa ang nawawala.
- Latest