Matinding trapik sa Metro Manila asahan sa APEC Summit
MANILA, Philippines – Habang palapit nang palapit ang pagpupulong ng Asia Pacific Economic Cooperate (APEC), matinding trapik ang naranasan kahapon ng mga motorista dahil sarado ang ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Base, mula South Luzon Expressway (SLEx) tollgate patungong Magallanes sa Makati City hanggang Pasay City South at North bound lanes ay bumper-to-bumper ang trapik.
Gayundin mula Ayala-EDSA hanggang Mall Of Asia (MOA) at Roxas Boulevard (Southbound lanes) at ang ilang bahagi ng South Super Highway at sa Gil. Puyat Avenue.
Nabatid na nilagyan ng mga plastic barriers ang kalahating lanes ng South at Northbound lanes ang kahabaan ng EDSA mula Makati City hanggang Pasay City.
Kaya isang lane lamang ang nagagamit ng mga motorist kung saan sumikip ang daloy ng trapiko.
Lalung sumikip din ang daloy ng trapiko sa Kahabaan ng South Super Highway, Northbound lane patungong Pasay City at Maynila dahil dumagsa rin ang mga cargo truck.
Ayon sa ilang motorist, habang palapit nang palapit ang APEC Summit ay patuloy na lumala ang masikip na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila.
- Latest