Halalan dapat bantayan ng sambayanan - Alunan
MANILA, Philippines – Nanawagan si dating Department of Interior and Local Government secretary Rafael Alunan III sa sambayanang Pilipino na bantayang mabuti ang halalan sa 2016 lalo’t may mga grupong gustong mandaya sa pamamagitan ng modernong teknolohiya tulad ng naganap noong 2010 at 2013 elections.
“Batid natin na nagkaroon ng pandaraya sa pamamagitan ng PCOS (Precint Count Optical Scan) machines sa mga nakaraang halalan kaya dapat na hindi natin payagang maulit ito sa nalalapit na pambansang halalan,” ani Alunan na kandidatong senador sa ilalim ng Bagumbayan Party.
“Ito lang ang masasabi ko. Sa 2016, ang kinabukasan ni Inang Laya ay nasa kamay ni Juan dela Cruz. Kung idadaan niya ang halalan sa wastong palakad at kung pipiliin ang mga kandidatong matino at mahusay lamang, ang mananalo ay ang buong sambayanan,” paliwanag ni Alunan.
Batay sa pag-aaral ni Alunan, makapandaraya lamang gamit ang PCOS machines ng kontrobersiyal na Smartmatic Corp. sa pamamagitan ng pre-programming (PP) at electronic transmission (ET) schemes at malinaw itong ipinakita ng mga eksperto sa Internet Technology sa social media.
Hindi anya dapat ipaubaya na manipulahin ng kompanyang Venezuelan na Smartmatic ang halalan sa bansa dahil nakasasalay rito ang kinabukasan ng ating mga anak.
- Latest