Drug bust: 2 pusher utas
MANILA, Philippines – Napatay ng mga otoridad ang dalawang lalaki na hinihinalang drug pusher nang manlaban ang mga ito sa isang buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Inilarawan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang mga nasawing suspek na ang isa ay kinilala sa alyas na “Kalugar”, may taas na 4’11”, nasa pagitan ng edad na 25-30, nakasuot ng stripe na puting t-shirt at camouflage na pants, tadtad ng tattoo sa buong katawan; habang ang ikalawa ay nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’3”, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, maong pants, at rubber shoes.
Naaresto ang isa sa mga kasamahan na si Jason Gonzales, alyas “John”, 23, binata ng #7, Oak Extension, Brgy. West Fairview.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (QCPD-DAIDSOTG) dakong alas-2:00 ng madaling araw nang salakayin ang hideout ng mga suspek sa Roces St., Barangay Greater Fairview.
Bago ang operasyon ay nakipagtransaksyon ang tropa ng DAIDSOTG sa mga suspek na nago-operate ng kanilang illegal na droga sa Brgy. Greater Fairview para bumili ng halagang P20,000.
Nagpanggap na bibili ng shabu si PO2 Mark Joseph Prado sa suspek na si Gonzales at nagkasundo na magkita sa no. 5 Roces St., Barangay Greater Fairview para sa palitan ng items.
Habang isinasagawa ang bentahan, dalawa sa mga suspek na nagsilbing lookout ang nakatunog sa presensya ng mga pulis kung kaya agad na nagsipagtakbuhan ang mga ito na nauwi sa habulan at barilan na ikinasawi ng dalawang suspek.
Nadakip si Gonzales at narekober ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tinatayang nasa 30 gramo at marked money na P20,000 na ginamit sa buy bust.
- Latest