PNP vs Kulto: 3 patay
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang pulis at dalawang lalaki na umano ay miyembro ng isang kulto nang magkasagupa ang mga ito kamakalawa ng gabi sa Sitio Buyo, Brgy. Binungkalan, Catmon, Cebu.
Ang nasawing pulis dahil sa tama ng bala sa ulo ay kinilalang si PO3 Dionelio Jurbina, 54, habang ang dalawang kasapi ng kulto ay sina Lito Tillo Gumalon, 43, ng Talisay City at King Siroy Porgatorio Lucifer, 41, mula sa bayan ng Argao ng lalawigan.
Nasugatan ang dalawa pang pulis na sina SPO2 Rex Menchavez at PO2 Aaron Benjamin Arizo, 35.
Naaresto ang dalawang miyembro ng kulto na sina Andrew Abaigar Ocasla at Tomas Bracero.
Batay sa ulat, bago nagkaroon ng sagupaan ang dalawang panig dakong alas-7:45 ng gabi ay rumesponde sa lugar ang tatlong pulis sa Brgy. Binungkalan, Catmon matapos na makatanggap ng sumbong sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng isang grupo ng kulto na nagre-recruit para sumapi sa kanilang hanay.
Pagdating sa lugar ng tatlong pulis ay sinita nito ang isa sa mga armadong tao na nasa gilid ng kalsada at hindi na nila namalayan na nakatago pala si King Siroy at agad silang binaril.
Napuruhan sa ulo si PO3 Jurbina dahilan ng agarang kamatayan nito, habang nagtamo naman ng tama sina Menchavez at Arizo sa braso.
Kaagad namang dumating ang back-up na mga pulis at nagkaroon ng putukan at napuruhan sina Gumalon at King Siroy.
Malaki ang hinala ng hepe na magkasama ang apat at plano nitong holdapin ang may-ari ng bakeshop na nasa lugar.
Ngunit mariin naman itong pinabulaanan nina Bracero at Ocasla. Bagama’t inamin ni Ocasla na dati siyang miyembro sa PBMA at ngayon ay presidente siya sa Pistales Organization kung saan kilala siya bilang si “KM” (Kuya-Manoy) na may layunin umanong tumulong sa mga taong may sakit.
- Latest