Speed limit sa NLEx, ipatutupad
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Tollways Management Corporation (TMC) sa mga pasaway na motoristang bumabagtas sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEx) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na sundin ang itinakdang speed limit.
Sa pahayag ni TMC Communication Specialist Francisco Dagohoy, nakasaad sa pinaka-latest na Joint Administrative Order ng Department of Transportation and Communications na may P2,000 multa para sa unang paglabag at sa ikalawang paglabag ay pagmumultahin ang motorista ng P3,000 na may kasabay na pagsuspinde ng driver’s license sa loob ng tatlong buwan.
Ayon pa kay Dagohoy, papatawan ng anim na buwan ang suspension ng driver’s license sa ikatlong paglabag.
Kapag humigit pa sa tatlong paglabag, ang non-professional driver’s license ay ipapawalang bisa ng dalawang taon habang ang professional driver’s license naman ay ipapawalang bisa na ang lisensiya nito habambuhay.
Samantala, aabot lamang sa100 kilometers per hour ang pinakamabilis na takbo ng mga maliliit na sasakyan habang 80 kph naman para sa mga trak at bus sa nasabing mga highway.
Kukumpiskahin ng mga TMC patrol ang driver’s license ng mga lumalabag at iisyuhan ng ticket kung saan tutubusin sa Land Transportation Office.
- Latest