Kaso laban sa INC mababasura - Law expert
MANILA, Philippines - Mababasura lang at duda pang uusad ang kasong isinampa laban sa Iglesia ni Cristo (INC).
Ito ang ipinahayag ni Atty. Sigfrid Fortun kasabay ng pagsabing ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) at ang “writs of amparo and habeas corpus” sa Korte Suprema ay kapwa batbat ng mga “kahinaang legal” na nakakapagpalambot sa mga ito.
Magugunita na nahaharap sa mga kasong serious illegal detention sa DOJ ang mga pinuno ng INC matapos paratangan ng harassment at iligal na pagpiit ang mga ito ng dating ministrong si Isaias Samson, Jr.
Nakatakdang humarap ang liderato ng INC sa Court of Appeals (CA) sa Martes matapos utusan ng SC na dinggin ang petisyon para sa habeas corpus at amparo na orihinal na isinampa sa SC ng tiniwalag na ministrong si Lowell Menorca II.
“Sa reklamong nasa DOJ, kahit na sinong matalinong abogado ay nakakabatid na isinasampa ang complaint na serious illegal detention dahil non-bailable ito at walang piyansang katumbas para dito,” ayon kay Fortun.
Anya, pang-gulpe-de-gulat ang pagsampa ng kasong serious illegal detention na ang totoong hamon ay ang pagpapatunay sa hukuman na lahat ng elementong nakapaloob dito ay kumpletong isinagawa na kailangan patunayan ang probable cause.
Sinabi pa ni Fortun na ang mga pangunahing elemento ng serious illegal detention ay ang panggagaya sa ‘public authority,’ang seryosong pananakit o malubhang pamiminsalang pisikal o pagbabantang papatayin ang nagsampa ng reklamo na mahihirapang patunayan ang mga elementong sa reklamo.
Sa mga petisyon para sa “habeas corpus and amparo,” ay sinabi ni Fortun na maaaring natulungang ilatag ng mga panayam kay Menorca sa telebisyon ang layuning maiulat ang mga hinaing nito ngunit ito rin ang magpapatalo sa kanyang mga reklamo na nakatakdang dinggin ng Court of Appeals.
“Ang writ of amparo ay kailangang ibigay bilang resulta ng matalinong pagpapasya dahil isa itong ‘extraordinary remedy’ na iginagawad lamang sa mga malulubhang pagkakataon gaya ng ‘extrajudicial killings’ o ‘enforced disappearances.’Batid naman ng lahat na buhay na buhay si Menorca at alam din ng kanyang mga mahal sa buhay kung nasaan ito ngayon.
- Latest