15-anyos na nagkaso ng rape natagpuang patay
MANILA, Philippines – Hindi na nakamit ng isang 15-anyos na dalagita ang hustisya nang siya ay matagpuang patay sa kalsada sa Zone VII, Brgy. Macalong, Asingan, Pangasinan matapos na magsampa ng kasong rape laban sa isa nitong kaanak.
Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng tawag sa cellphone nito na narekober sa crime scene ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya na si Joyce Pataray.
Batay sa ulat, dakong alas-8:07 ng gabi ng iulat sa pulisya ng isang Daryl Dalid, 18-anyos na napadaan sa lugar ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.
Nagresponde sa lugar ang mga Scene of the Crime Operatives ng pulisya at narekober ang bangkay na may malalim na saksak sa tiyan, bakas na pagsakal ng kamay sa leeg nito, may malalalim na pasa sa iba pang katawan at nadurog din ang ulo nito dahil sa hambalos ng matigas na bagay.
Sa salaysay ng mga magulang ng biktima na sina Eddie at Julie Pataray, dakong ala-1:00 ng hapon nitong Lunes nang magpaalam ito sa kanila na magtutungo sa Magic Mall sa Urdaneta City kasama ang pinsan nitong si Glenn Narte, 21.
Nabatid na si Glenn ay pamangkin ng isang tinukoy sa pangalang Mando, nasa hustong gulang na siyang sinampahan ng kasong rape ng biktima.
Ang nasabing kaso ay malapit ng bigyan ng resolusyon ng Office of Assistant Provincial Prosecutor ng lungsod.
Patuloy ang imbestigasyon kung si Mando ang nasa likod ng krimen matapos na sampahan ng rape ng biktima.
- Latest